Ano ang Sining at ang Saysay nito sa Lipunang Pilipino?

March 24, 2009

blog11

Ano ang Sining at ang Saysay nito sa Lipunang Pilipino?

Ang debate ukol sa depinisyon ng Sining ay isang tunggalian na hindi pa rin nareresolba hanggang sa kasalukuyan. May tatlong paraan ng pagtingin sa Sining (Paul, 2005: 2-3), at ang una nito ay ang pagtukoy dito bilang isang Aesthetic, o ang interpretasyon ng tao sa katangian ng kagandahan o magandang panlasa. Tinutukoy naman sa ikalawang paraan na ito ay ang malikhaing praktika ng indibidwal sa paghayag ng kanyang sarili.

Ngunit dahil ang Sining ay isang uri ng komunikasyon na bumubuo ng panlipunang relasyon sa pagitan ng nagpapahayag at pinapahayagan, sinasaad sa ikatlong paraan ng pagtingin sa Sining na ito ay isang panlipunang aparato, sapagkat walang likhang sining na binuo sa vacuum, at ang mga pamantayang ginagamit sa pagkilatis ng Sining ay nakaayon sa mga istorikal at pulitikal na konteksto nito.

Lipunan at Makauring Tunggalian

Ang sining, kaakibat ng iba pang praktika, kaalaman at paniniwala na tinataglay ng tao mula sa kanyang paglahok sa lipunan ay kabilang sa Kultura, o ang synthesis nitong mga iba’t-ibang karanasan sa isang lipunan (Tylor, 1871). Sa kasaysayan ng pagbabago ng lipunan mula sa sinaunang primitibo-komunal na sistema hanggang sa kasalukuyan, kaakibat ng pagpalit ng panlipunang sistema ang pagbabago ng paraan ng pamumuhay ng mga tao rito.

Ngunit ang pag-unlad ng lipunan na ito ay hindi dumaraan sa mapayapang ebolusyon, kundi sa resolusyon ng mga antagonistikong tunggalian ng mga uri sa bawat yugto ng kasaysayan ng panlipunang pagbabago (Marx, Engels, 1948: 9), na sa pinakapayak ay maihahanay sa pagitan ng pinagsasamantalahan at ng naghaharing mapagsamantala. Ang modernong lipunan na pinaghaharian ng burgesya ay hindi nakaalpas sa pagkakaroon ng makauring tunggalian (Marx, Engels, Ibid.) , sapagkat pinalitan lang ng uring urgesya ang uri ng mga panginoong maylupa sa taglay na mga di-pantay na panlipunang relasyon.

Hegemonya at mga Aparato ng Estado

Gagawin ng naghaharing uri ang lahat upang mapanatili ang kapangyarihang hawak nito sa estado ng lipunan. Taglay nito ang mga ideolohikal na aparato ng estado upang panatiliin ang naturang kaayusan (Althusser, 1970). Hindi tuwirang pinapataw ito ng estado sa lipunan dahil nagkakaroon ng pagtutol mula sa mga uring pinagsasamantalahan kapag direktang pinapanukala ang mga hakbanging nagpapanatili ng kaayusan.

Di tulad ng mga represibong aparato ng estado na mga publikong panukala, ang mga ideolohikal na aparato ng estado ay kanilang hinuhubog mula sa pribadong larangan. Ibig sabihin, mulat na tinatanggap ng mga institusyon mismo ng mga pinaghahariang uri ang kaayusan. Dulot ng pagmamaniobra ng estado sa pamamagitan ng panghihimok at negosasyon sa mga pinagsasamantalahan, lumilikha ang mga naghaharing uri ng imahen ng kaayusang katanggap-tanggap (Underwood, 2008).

Sa pangkulturang hegemonya na ito pinapanatiling kimi at walang alma ang mga uring pinagsasamantalahan, sapagkat napipigilan ang mga itong makita ang pangkalahatang pagsasamantala ng estado sa kanila dulot ng pagkakaneutralisa ng pagtutol sa indibidwal o sektoral na antas palang.